Tuesday, April 3, 2012

Lokal na pamahalaan, inatasan ang mga business owners na magsumite ng job vacancies sa PESO

(April 4, 2012) Magiging mas malawak na ang oportunidad na makapaghanap ng trabaho ang mga jobseekers sa lungsod ng Tacurong matapos na pumasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlungsod na nag-aatas sa mga nagmamay-ari ng negosyo sa lungsod ng Tacurong na magsumite ng listahan ng kanilang job vacancies sa tanggapan ng Public Employmernt Service Office o PESO.

 Ang naturang resolusyon ay ipinasa ni Konsehal Benjamin Fajardo Jr., chairperson ng SP Committee on Labor and Employment, at may pamagat na “Resolution requesting, through the Office of the City Mayor, all business establishments operating in the City of Tacurong to submit a list of their existing job vacancies and placement report to the Public Employment Service office (PESO) and post them in conspicuous places and giving preference for employment to qualified applicants coming from the City of Tacurong”. Naipasa ang naturang resolusyon sa regular session ng SP na ginanap noong ikapito ng Marso.

 Sa pamamagitan ng resolusyong ito, ang mga naghahanap ng trabaho sa lungsod ay maari nang makipag-ugnayan sa tanggapan ng LGU-Tacurong PESO para malaman kung anong mga business establishments sa lungsod ang may bakanteng trabaho. Ang PESO ang kahalili ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad ng labor and employment programs sa isang lokalidad.

Sinabi ni Konsehal Fajardo na isa sa malalim na suliranin ng ating lipunan ay ang mataas na antas ng kawalan ng trabaho o unemployment. “Ang kawalan din ng pagkakataon para s amga naghahanap ng trabaho na malaman kung saan may bakanteng trabaho ay isa din sa mga problema at ito ang nais nating bigyan ng pansin”, dagdag ni Konsehal Fajardo.

Noong ikadalawampu ng Marso ay nalagdaan na ni City Mayor Lina Montilla ang naturang resolusyon. Nakatakda na ring magpadala ng sulat ang kanyang tanggapan sa mga business owners and operators para ipaabot ang nilalaman ng resolusyon. Inatasan na rin ng alkalde ang PESO na makipag-ugnayan sa DOLE-Sultan Kudarat Field Office hinggil sa resolusyon.

Samantala, pinuri ng tanggapan ng DOLE ang hakbang na ginawa ng lokal na pamahalaan. Ayon kay DOLE-SK Field Officer Arlene Bisnon, inaaasahan niya na mas lalo pang mapadali ng mga naghahanap ng trabaho ang kanilang ‘job hunting’ sa sandaling may listahan na ang PESO ng mga job vacancies sa lungsod. (LGU Information)

No comments:

Post a Comment