Friday, September 12, 2014

Lokal na pamahalaan ng Tacurong, mas pinapalakas ang pagsusulong sa gender-sensitive governance

Pinapalakas pa lalo ng lokal na pamahalaan ng Tacurong ang pagsusulong sa gender-sensitive governance. Isang paraan na dito ang pagtatag sa Gender and Development o GAD Focal Point System na binuo sa bisa ng Executive Order na inilabas ni Mayor Lina Montilla noong Agosto 29 nitong taon.

Ang Gad Focal Point System ay tumutukoy sa grupo ng mga tao taglay ang layunin na pahalagahan ang karapatan ng mga kababaihan sa lipunan at isulong ang mga programang nag-aangat sa kanila. Ang GAD Focal Point System na pinagtibay ng Republic Act Number 9710 o Magna Carta of Women ay binubuo ng Executive Committee, Technical Working Group at Secretariat. Para sa lungsod ng Tacurong, tumatayong chairperson ng ExeCom si Mayor Lina Montilla at Vice Chairperson naman si Vice Mayor Joseph Lechonsito.

Mga kasapi naman ng EceCom ang lahat ng department heads ng LGU ganundin si City Councilor Charito Collado na pinuno ng SP Committee on women, Children and Family, Councilor Cirilo Flores na pinuno ng SP Committee on Finance, Liga ng mga Barangay President Hernani Fermo at City Local Government Operations Officer Alberto Sero, Jr.

Kasama din sa mga myembro ng Execom ang mga kinatawan ng City Schools Division, Department of Labor and Employment, Tacurong PNP, Kapisanan ng Liping Pilipina, at Women with Disability. Kasama naman sa Technical Working Group at Secretariat ang mga kawani ng LGU na kumakatawan sa ibat ibang mga tanggapan nito.

Magugunitang bago pa man maitatag ang GAD Focal Point System, nauna nang nakabuo ng GAD Task Force ang lungsod ng Tacurong. At dahil kailangang mas palakasin pa ang pagsulog sa gender-sensitive programs, binuo ang GAD Focal Point System.  Sa pagkakabuo nito, ang mga opisyal at kawani ng LGU ay responsable sa pagsusulong ng gender and development sa pagbalangkas ng mga batas sa gobyerno, pagplano sa budget, at pagpapatupad ng mga programa kabilang na ang monitoring at evaluation.

Noong Setyembre 9 ay nagdaos ng unang meeting ang mga kasapi ng GAD Focal Point System na pinangunahan ni Mayor Montilla. Nagbigay din ng orientation at briefing si CLGO Officer Sero sa mga isinasaad ng mga kaukulang batas at memorandum circular sa pagbuo ng GAD Focal Point System.

Inaasahan naman na sa pagbalangkas ng budget para sa susunod na taon, lubos pang mabibigyang-pansin na ang GAD programs. Isinasaad sa batas na limang porsyento ng kabuuang budget ng isang LGU ay nakalaan sa GAD. Sa ilalim ng GAD, ang mga babae ay binibigyan ng patas na oportunidad sa mga lalaki sa lahat ng aspeto ng pamumuhay sa lipunan. Isinusulong din nito ang lahat ng mga proteksyon sa mga babae laban sa diskriminasyon at pang-aabuso. (LGU Tacurong City Information)