Mahigit sa dalawandaang mga kabataan ang nakinabang sa isang buwan na summer sports camp na hatid ng City Physical Fitness and Sports Development Council ng Tacurong. Sa pagtatapos ng naturang Sports Camp noong Mayo a trenta, nagtipon ang 231 na mga kabataan sa city gym para tanggapin mula kay Mayor Lina Montilla ang kani-kanilang Certificates of Completion.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Montilla na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng sports development program sa lungsod para lalo pang mapag-ibayo ang paghubog sa mga kabataan sa ibat-ibang larangan ng palakasan. Pinasalamatan rin ng alkalde ang mga magulang ng nasabing mga kabataan sa pagbibigay ng kanilang tiwala sa city government.
Ayon kay City Sports Coordinator Designate Clarencio Cordero, pitong sports disciplines ang inilahok para sa mahigit isang buwan na sports camp na nagsimula noong Abril a 26. Ito ay ang arnis, dance sport, sepak takraw, soccer, table tennis, taekwondo at volleyball.
Ang arnis at volleyball ang may pinakamaraming participants kung saan umabot sa tig-apatnaput-limang mga kabataan ang lumahok sa training. Sumunod sa pinakamarami ang taekwondo na umabot sa tatlumput-walo ang bilang ng mga sumailalim sa training; tatlumput-anim naman ang dance sport; dalawamput-pito ang table tennis; dalawamput-apat ang sepak takraw; at labing-anim naman para sa larangan ng arnis.
Umaasa naman si Sports Development Council Vice Chairman Rodrigo Jamorabon na sa pamamagitan ng summer sports camp, mas maagang mahubog ng mga kabataan ang galling nila sa larangan ng palakasan na hilig nila. Idinagdag niya na ang maagang paghubog sa galling ng mga kabataan ay isa sa mga sikreto ng city government sa pamamayagpag nito hindi lamang sa mga pangrehiyon at pambansang palaro kundi pati na rin sa international competitions. (Information)
No comments:
Post a Comment