(June 21, 2012) Kasabay sa pagbukas ng pasukan sa taong ito, namigay ang lokal na pamahalaan ng Tacurong ng libreng bags at school supplies sa lahat ng mga mag-aaral na nasa unang baitang sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Sinimulan ang pamimigay ng mga gamit noong June 19 at inaasahang sa loob ng linggong ito ay matatanggap na ng lahat ng Grade I pupils ang naturang school supplies.
Pinangunahan ni City Mayor Lina Montilla ang pamumudmod ng school supplies kasama ni Sangguniang Panlungsod Committee on Education Chairperson Ariel dela Cruz at iba pang kasapi ng SP. Kasama din nila ang mga kinatawan ng City Schools Division sa pamumuno ni Superintendent Gildo Mosqueda.
Ayon kay Konsehal dela Cruz, may kabuuang 2,600 na school bags kasama na ang mga laman nito na school supplies ang inilaang ipamigay sa mga mag-aaral. May kabuuang dalawampu’t apat na mga public schools sa lungsod ang tatanggap ng mga gamit mula sa local na pamahalaan.
Ang pamimigay ng bags at school supplies ay ilang taon na ring ginagawa ng lokal na pamahalaan. Ayon kay Mayor Montilla, isang simpleng paraan lamang ang aktibidad na ito para matulungan ang mga magulang ng mga mag-aaral sa Grade I na matustusan pangangailangan nila sa paaralan. (Allan S. Freno)
No comments:
Post a Comment