Monday, June 25, 2012

LGU Tacurong, namigay ng libreng bags at school supplies sa 2,600 Grade I pupils

(Tagalog News: Tacurong City - June 25, 2012) Kasabay sa pagbukas ng pasukan sa taong ito, namigay ang lokal na pamahalaan ng Tacurong ng libreng bags at school supplies sa lahat ng mga mag-aaral na nasa unang baitang sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.




Sa dalawampu’t-apat na pampublikong paaralan sa lungsod, umaabot sa 2, 600 na Grade I pupils ang nakatanggap ng gamit pang-eskwela na ipinamudmod nitong linggo.

Pinangunahan ni City Mayor Lina Montilla ang pamimigay ng school supplies kasama ni Sangguniang Panlungsod Committee on Education Chairperson Ariel dela Cruz at iba pang kasapi ng SP. Kasama din nila ang mga kinatawan ng City Schools Division sa pamumuno ni Superintendent Gildo Mosqueda.

Ang isa sa mga pinakahuling paaralan na pinuntahan noong nakaraang Byernes para sa bag distribution ay ang Tacurong Pilot Elementary School na siyang may pinakamaraming Grade I pupils sa bilang na 585.

Ayon kay Mr. Joseph Pilotos, principal ng Tacurong Pilot Elementary School, inaasahan na nila ang pamimigay ng libreng mga gamit pang-eskwela mula sa lokal na pamahalaan at hindi naman umano sila binibigo taun-taon.

“Masaya kami at maraming tulong ang natatanggap ng public schools mula sa lokal na pamahalaan at ang mga libreng bags at school supplies para sa aming mga mag-aaral na taunang ibinibigay ay isa lamang sa mga tulong na ito”, ani Pilotos.

Sinabi naman ni Mayor Lina Montilla na isang simpleng paraan lamang ang ginagawang ito ng city government para matulungan ang mga magulang ng mga mag-aaral sa Grade I na matustusan ang pangangailangan nila sa paaralan. ( Allan S. Freno)

No comments:

Post a Comment