LUNGSOD NG TACURONG, Sultan Kudarat, Hunyo 28 (PIA) -- Hinihikayat ni City Mayor Lina Montilla ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na sumama sa ‘Rotary Walk for Peace’ sa Hulyo 1 ng madaling-araw.
Isang sulat ang ipinadala ni Mayor Montilla sa lahat ng tanggapan sa ilalim ng lokal na pamahalaan at nakasaad dito ang paghikayat niya sa lahat ng kawani na makilahok sa naturang aktibidad.
Ang walk for peace ay isang fund-raising activity na inorganisa ng Rotary Club of Tacurong sa tulong ng 601st Infantry Brigade ng Philippine Army. Ang naturang aktibidad ay isasagawa ng lahat ng kasapi ng Rotary Clubs sa Mindanao na sakop ng Rotary District 3870. Layunin nila na makahikayat ng limang libong walkers at sa lungsod ng Tacurong, limangdaan ang tinatayang sasali.
Sa araw ng ‘Walk for Peace’, magtitipon ang lahat ng kalahok sa city hall ground kung saan magkakaroon ng maikling programa bago magsimula ang aktibidad. Sasalubungin ng tugtog ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga sasali. Magkakaroon din ng ilang minutong warm-up exercises bago simulan ang paglalakad.
Magsisimula naman ang paglalakad alas 5 y medya ng madaling-araw. Magsisimula ang mga maglalakad sa harap ng city hall papunta sa round ball o rotunda. Pagdating sa rotunda, kakanan ang mga maglalakad at didiretso sa National Highway. Pagdating sa harap ng bagong gusali ng STI, babalik ang mga maglalakad sa rotunda at liliko pabalik sa city hall ground kung saan magkakaroon ng paggawad ng parangal at maikling programa.
Magbibigay ng kanilang mensahe ang sponsoring groups mula sa Rotary at 601st brigade ganun din si Mayor Montilla.
Samantala, dahil isang fund-raiser ang walk for peace, may babayarang registration fee ang bawat sasali. Ang pondong malilikom ng Rotary Club ay mapupunta sa mga proyektong pinaglalaanan nito kasama na ang patuloy na pagbibigay nito ng livelihood assistance sa mga beneficiaries ng Rotary-Gawad Kalinga Village sa Purok Tanawing Pag-asa, Barangay Griño, Tacurong City. (Allan Freno)
No comments:
Post a Comment