Friday, February 21, 2014

Mobile Operation Tuli, muling ilulunsad ng LGU Tacurong sa darating na summer vacation

Muling ilulunsad ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Tacurong ang Operation Tuli sa mga Barangay sa darating na summer vacation.

Ang Operation Tuli na libre at taunang ginagawa ay naglalayon na palawakin ang kaalaman ng mga magulang at kabataan tungkol sa ligtas at malinis na pamamaraan ng circumcision o pagtutuli.

Ang programang ito ay sinimulan ni Vice Mayor Joseph George Lechonsito noong konsehal pa lamang sya at pinuno ng Sangguniang Panlungsod Committee on Health.

Bilang isang doktor, alam ng vice mayor ang panganib na dala ng nakaugaliang pagtutuli sa mga baranggay na kung tawagin sa salitang hiligaynon ay “paltak”. Nagiging sanhi umano ng tradisyunal na pagtutuli ang impeksyon at pagkakasakit ng mga kabataan.

Simula nang ipatupad ang Operation Tuli sa dalawampung barangay noong taong 2009, libu-libong mga kabataan na ang nabigyan nito ng libreng serbisyo.

Noong 2012, umabot sa 659 ang bilang ng mga kabataang naabot ng programa. Inaasahan naman ni Vice Mayor Lechonsito na target nila ang 800 mga kabataang mabigyan ng libreng tuli.

Magsisimula ang Operation Tuli sa kalagitnaan ng Marso at tinatayang matapos bago ang Semana Santa.

Pangungunahan ng mga doktor at nurses ng Office for City Health Services ang team na maglilibot sa mga barangay. Katulad noong mga nakaraang taon, mismong ang vice mayor ay tutulong sa pagtutuli para mas maraming kabataan ang mabigyan ng serbisyo.

Sinabi din ng vice mayor na kasama pa rin nila sa Operation Tuli ang mga doktor at nurses mula sa mga pribadong ospital at nursing schools para tumulong. (LGU Tacurong City Information)

No comments:

Post a Comment